Binagong Berso

Muling tinalunton ng mata ang pahina
Ang himig ng tugma ay hindi nawala
Hindi rin inapuhap ang bagsik ng sumpa
Panalanging ang dating ay makapilas-tenga

Dumamba sa banayad na dagat ang pagsalat
Ang tabsing man di’y humilam sa matang dilat
Hindi ko mawari kung saan nagbuhat
Ang ulop sa dakong hinahabagat

Sa pusod ng dagat, madawag, madilim
Napunit ang pahinang pinag-alayan ng panimdim
Dili kaya’y nabunyag kinukubling lihim
Hindi man umula’y nahawi ang kulimlim

Nasaan ang bersong humawak ng tabak
Na balde-balde ang dugong pinadanak?
Nasaan ang gatas sa labi ng anak
Ng inang inagawan ng laya’t halakhak?

Kung

Kung magagawa ko lang diktahan ang puso
Hindi na lang sana ikaw ang iniibig ko
Kung kaya ko lang gawing totoo
Ang lahat ng ibinubuga ng isip ko
Wala sanang luha
Wala sanang sakit
Wala sanang pangungulila
Wala sanang pananabik
Kung mula pa noong una
Hindi na ako nagpadala
Sa pagmamahal na sa puso’y bumuhay
Ngunit ngayo’y unti unti kong pinapatay…

Hindi ka na Panaginip

Pinilit kong managinip para makita ka
Dahil doon lamang kita nakakasama
Subalit nanaginip akong mag-isa
At kahit saan anino mo’y wala

Pinilit kong iguhit sa isip
Ang kagandahan mong ‘di malirip
Subalit natapos ang aking panaginip
Kariktan mo’y ‘di man lang nahagip

Tumulo ang luha sa aking mga mata,
Wala na ikaw na sa panaginip ko’y nagpapasaya
Kaya’t pinasya ko na lang na gumising
At ang tunay na mundo’y harapin

At sa pagpasok ng mga unang liwanag sa aking mga mata
Isang imahe ang aking nakita
Ang babaeng sa panaginip ko’y naglaho
Nagisngan ko na siya sa tabi ko… 🙂

_vhanfire

Tayo ay Usok


Ibinuga at nagliparang pauna
Umikot-ikot at naghanap ng kasama
Paakyat, pababa sa ihip ng hangin
Tila insektong ‘di alam ang tutunguhin
May humilam sa mata, may pumasok sa ilong
Kinusot at inihingang palabas
Ang iba’y paurong mayroong pasulong
Tila mga bilanggong nga-ngayon nakatakas
Lumipad ka na parang ibon sa papawirin
O lumangoy na wangis ng isda sa latian
Sa kabila ng imahinasyon ay may mararating
Tayo’y mga usok na sa init nasawi’t nalalang.

I’m Loving that Girl

Hot sun gets even hotter
As it signals for the blooming of flowers
This time hearts grow fonder
Like a falling leaf on a flowing river
Skies are clear and feelings are vague
Sometimes I let her, sometimes I beg
And clock runs round and round
’till quandary is all i found
We split like twigs of tree
Half committed, quarterly free
Lurid words, drive poem crazy
Astonished and confused like quarterly
A butterfly flew on my lonesome heart
Just like a dot, there all it starts
It paints a dawn with gray
And abyss on the morning rays
That butterfly has pollen on her feet
And I know she’ll leave, after we met
But I’ll stay on shower of falling sleet
While setting my back ready for my defeat
As she waves her wings, she made a swirl
I can’t move as she bid farewell
’cause deep inside I can feel
That oh! I’m loving that girl.

Pangungulila

Malamig na hamog ang kumot ko
Ang unan ay mga dayami at damo
Sa latag na malamig na liwanag ng b’wan
Kasiping ang aninong walang init ang katawan

Idinuduyan ako ng banayad na hangin
Habang kinakantahan ng mga kuliglig
Sinisikil ang aking nananangis na damdamin
At pinananagistis sa mata, ang sagradong tubig

‘di ko inakalang abot sa ganito
Na matutulog ako nang wala sa kandungan mo
Ang init ng akap mo’y hinahanap ko
Tulad ng kahapong nawalan na ng samyo

Ngayo’y tinutugis ka ng mga mata
Ang nagdaang kahapong tigib ng ligaya
Sa lilim ng langit habang nakatihaya
Ay inuusal yaring hiling sa maningning na tala

At nang magpahingalay ng dahil sa pagod
Ako’y nagulat sa naramdamang paghagod
‘di man kita nakita saking paghahanap maghapon
Ako pala’y hinanap mo rin aking PANGINOON

Pangako ng Pagbabalik

Hinihila ko s’yang pabalik sa akin
Subalit nagpumilit s’yang ako’y lisanin
Nakiusap akong siya’y manatili
At pagbigyan pa ako ng ilang sandal
Tumulo ang luha, lumipad ang sandali
At ang natira sa akin ay hapdi
Ang pandinig ko’y paulit-ulit na binibingi
Ng pangako n’yang minsan n’ya lang sinabi
“Ako’y magbabalik sa takdang panahon”
Mga salitang sa puso’y  bumaon
Pangankong hindi na lumaon
At tila hindi na natugon
Lumipas na ang ilang takip-silim
Tila nauupos na ang naiwang saalimsim
Nilalamon ito ng labis na panimdim
Ang pulang ningas ay piñata na ng dilim
At sa kanyang pagbabalik ako’y nabalisa
Paano bubuhayin pumanaw na pagsinta?
At nang iniabot n’ya ang kanyang kamay
Tumalikod ako’t iniwanan s’ya ng isang kaway